Paano kumuha o magrenew ng OEC

Sa post na ito, isusulat ko kung paano kumuha ng OEC at kung gaano kahirap intindihin ng website nila na kailangan ko pang magsulat ng guide.

Ang Sitwasyon

So bale nakakuha ka ng legit at legal na trabaho sa labas ng bansa at naayos mo na lahat ng visa doon sa bansa na pupuntahan mo. Literal na kumpanya ang employer mo at may insurance ka’t lahat.

Gusto mo lang umuwi ng Pilipinas para magbakasyon nang kaunti. Pero siyempre bago ka umuwi, kailangang maaalala mo na p’wede kang harangin sa airport palabas ng Pilipinas at may possibility na hindi ka makabalik sa trabaho mo kung hindi mo gawin lahat ng kailangang gawin. At minsan, hindi pa klaro kung sino ang required gumawa nito, at mas importante: bakit. Hindi lang time ang ginagastos mo rito, may mga steps din na kailangang magbayad.

Paano Magrenew

Una sa lahat, kailangan mong pumunta sa website ng DMW.

Pagdating mo doon, siguro may nakasulat man lang na OEC or Overseas Employment Certificate. Pero wala. Bale kailangan mong pumunta sa e-Registration. Yes, kahit renewal ang kailangan mong gawin, kailangan mo pa ring pumunta sa e-Registration.

Makikita mo na may Let’s Go! button sa ilalim ng e-Registration. Hindi n’ya sinasabi kung ano ang mangyayari. Surprise na lang! Hindi man lang log-in o register. Kulang na lang lagyan nila ng mukha ni Dora the Explorer at sabihing “vamanos” imbis na “let’s go” bilang parehong amount of information lang naman ang binibigay nila.

Once na sumugal ka at i-click mo ‘yung ever mysterious na Let’s Go button, may lilitaw na log-in. At may notice na biglang This website works well with google chrome. Other browsers may experience some errors. Isara ko na lang ang Firefox ko at back to Step 1 tayo.

Registered na ako rito kaya hindi ko na maalala kung paano ‘yung registration pero based sa mga nakita n’yo na I’m sure hindi siya fun.

So assuming na naalala mo pa ‘yung password mo noong huli kang pumunta sa website na ito, makakalog-in ka.

Kapag tingnan mo lahat ng ganap sa website na ito, wala pa ring nakasulat na OEC. Saan mo kailangan magclick? Sa Balik Manggagawa na button. Bakit hindi na lang nila tinawag na Balik Manggagawa certificate or whatever? Ewan. Bakit hindi nila nilabel na OEC ang button? Malay ko rin.

At at this point, sasabihin nila na 60 days before your flight ka lang kumuha ng OEC. So congratulations at kailangan mo pa ring maghintay!

Summary

Para makakuha ng OEC, kailangan mong hanapin kung ano ‘yung website, alamin kung anong buttons kailangan mong pindutin sa website para maglogin, magdownload at gamitin ang Chrome just in case, alalahanin ang username at password mo, hanapin ang button para magrenew ng OEC. Walang nakasulat na OEC at all sa website na ito.

Anyway, sinulat ko ito para next time na kailangan kong gawin, alam ko na more-or-less kung ano ang gagawin.